Pag-uwi

Kay tagal na nating magkakalayo
Nu’ng tayo’y magkahiwalay ako’y musmos
At sa hardin ng kabataan nangako’t nagpaalam
At hinagkan kita – may gatas pa sa labi

Pinabili nga lang daw ng suka sa kanto at naligaw sa –of all places—Saudi. Nang mag-sayonara sa mga magulang at kapatid, para lang magbibiyahe sa kung saang probinsya. Ano nga ba naman ang isa, dalawang taong malayo sa tahanan para sa isang lagalag na 21 years old kundi isang wild adventure, di ba?

Nang lumantad ang katotohanan ng kalahating araw na biyahe sa eroplano, ng banyagang dasal sa mikropono. Nang bumungad ang kulay-puti at abong Jeddah, ang itim na sayang nakasaplot hanggang sa mukha ng mga dambuhalang Araba, ang bagsik sa mga mata at amoy ng tsuper na sing-sama ng tingin sa bagong dating. Nang matauhan sa ginawang paglisan, doon nagsikip ang dibdib, tumulong muli ang naipong luha at hinanap ang papalaot na kabataan.

islam1

Ngunit nakasangla na ang dalawang taon kahit may bakasyon sa gitna ng kontrata. Bawat araw ay paglayo sa mga pinagpaalaman, sa mga kaibigan, sa mga kasama. Isang masakit ngunit kinailangang pamamaalam sa dating mga kalaro. Mula noo’y simula ng pilit na pamilyarisasyon sa bagong mundo.

Ewan ba sa’n napunta ang panahon
Sa hanapbuhay buhay ko’y nakatuon
Sa bayan ng mga banyaga ako ay manggagawa
Pag-ibig ko sa ’yoy iniipon

At nahiyang sa kakaibang lasa, bagong alak, estrangherong tulugan, banyagang hangin. Mula sa Saudi ay umuwing sandali ngunit hindi na sanay sa halaga ng piso, sa daloy ng buhay, sa bagal ng asenso. Kaya’t muling naglakbay at kinalinga naman ngayon ng Singapore.

Trabaho lang, trabaho lang. Dinikdik sa sarili umpisa pa lamang. Ngunit nagsilbing droga na ang pagtatrabaho sa ibang bansa. At kailangang harapin ang katotohanang walang katumbas na trabaho sa atin na madaling bagsakan, laluna’t kung suweldo ang pag-uusapan.

Gayunpaman, natatapos ang mga proyekto, pumapalit ang gabi, lumalamig ang silid, humahapdi ang puso at hindi nabibili ng pera ang tunay na saya sa piling ng mga minamahal at nagmamahal.

O kay layo mo – di maabot nitong mga kamay
Walang tulay na kayang tumawid sa mga taon
Kundi ang alaala

vladstudio_cloudmakers_1024x768

Rally sa Mendiola. Inuman sa breakwater. Piket sa SM. Dinner date sa Intramuros. Street party sa Malate. Starbucks session tuwing Biyernes sabay gatecrash sa Hard Rock. Impromptu poetry writing at reading kasama ang mga brod, sis at ilang kaibigan. Mainip na yakap ng ina, tawanan at tampuhan ng mga kapatid.

Ngunit heto’t nasa loob na lang ng kompyuter na ‘to ang pagbabalik-tanaw habang pinipigil ang pagbukas ng mga binaong ngiti, halakhak at kulitan nu’ng huling umuwi.

Alam ko na’ng ating mukha’y may guhit na
Mga dinanas natin ay magkaiba
Ngunit sa ‘king pagbabalik, sariwa ang halik
Halik sa ‘yong dibdib – bayan ko

Walong taon na nga ba? Pito? Sino bang gustong magbilang. Pangalawang pasaporte ko na ‘to, at bagong visa papuntang Tate para magbakasyon sana one time para maiba naman. Pero alam kong habang papalapit ang araw ng bakasyon, Pilipinas at Pilipinas ang pupuntahan ko.

Dahil matagal akong nawalay sa kanya, sa mga magulang, kamag-anak at kapatid. Sa mga pamilyar na amoy, ngiti, pagbati at pagtanggap. Sa gitna ng mga katiwalian at ng mga humahamak sa kanya. Ng trapik, gulo, polusyon. Sa kabila ng lahat.

O kay lapit na – ako’y sabik na makapiling ka
Sa pagdating, may luha ma’t wala
Ako ay sisigaw at hahalik sa lupa

img_0168

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s